November 4, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

Empleyadong magtatrabaho sa Eid’l Adha, tatanggap ng dobleng bayad

MAKATATANGGAP ng 200 porsiyento ng kanilang sahod ang mga empleyado sa pribadong sektor na papasok sa trabaho sa Hunyo 28, pagdiriwang ng Eid’l Adha, pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong linggo.

Inilabas ni Secretary Bienvenido E. Laguesma ang Labor Advisory No. 14, Series of 2023, na nagsasaad sa tamang pagtutuos sa sahod ng mga manggagawa para sa idineklarang regular holiday bilang paggunita sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.

Itinatakda ng advisory na ang mga empleyadong magtatrabaho sa regular holiday ay babayaran ng 200 porsiyento ng kanilang sahod sa unang walong oras (arawang sahod x 200%).

Kung ang empleyado ay hindi papasok sa trabaho, sila ay babayaran ng 100 porsiyento ng kanilang sahod para sa nasabing araw, ngunit kinakailangan sila ay nagtrabaho o naka-leave of absence na may bayad sa araw bago ang regular holiday.