USAP-USAPAN sa Kamara ang nagbabadyang sagupaan sa hanay ng mga prominenteng kongresista para sa posisyon ng House Speaker sa ilalim ng 20th Congress.
Gayunpaman, tiwala sina Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) at Quezon Rep. Mark Enverga ng Nationalist People’s Coalition (NPC), na hindi matitinag sa posisyon si House Speaker Martin Romualdez sa papasok na 20th Congress.
Kasabay nito, nagkibit-balikat lamang ng dalawang ranking House officials ang usap-usapan na may hahamon kay Romualdez para sa pamumuno sa Lower House sa susunod na Kongreso.
“Karamihan sa atin na continuity ang mahalaga para sa Kongreso and we’re fully supportive behind the leadership of Speaker Martin,” diin ni Suarez.
“In the past three years we have seen the performance of the House. We have seen how we can deliver to the legislative agenda of our President and we have also seen how we can manage our leadership,” dagdag pa niya.
Sa pagtatapos ng halalan, mahigit sa 100 miyembro ng ruling party Lakas-CMD, ani Suarez, ang muling nahahal o kaya naman ay nanalo bilang kongresista kung kaya mananatiling dominant political party ang partidong pinamumunuan din ni Speaker Romualdez sa Kamara.
Sa panig ni Enverga, na siyang chairman ng House Committee on Agriculture and Food, sinabi niyang wala siyang nalalaman o nababalitaan “Speakership contenders” kaya naman pihadong tuloy pa rin ang kasalukuyang House Speaker.
“We believe that Speaker Martin will continue his term as Speaker. So, it will continue,” saad pa ng Quezon first district lawmaker.
Tatlong pangalan ang lumutang na interesadong masungkit ang pwesto ni Romualdez — sina Bacolod City Rep. Albee Benitez, Navotas Rep. Toby Tiangco, at Ilocos Norte Rep. Angelo Marcos Barba.
Higit na kilala si Benitez na isang bilyonaryo, habang matatag na kaalyado naman ng Pangulo ni Tiangco. Pinsan ni Marcos si Barba. (ROMEO ALLAN BUTUYAN)
