SA kabila ng daing ng mga magsasaka sa mga kanayunan higit na apektado ng tagtuyot, minaliit ng isang opisyal ng Palasyo ang P1.31-bilyong halaga ng pinsalang dulot ng El Niño phenomenon sa bansa.
Ayon kay Presidential Communications Office Assistant Secretary Joey Villarama na tumatayong tagapagsalita ng Task Force El Niño, hindi hamak na mas maliit ang epekto ng El Niño ngayong taon kumpara sa mga nakalipas na panahon.
Batay sa pinakahuling ulat mula sa mga kinauukulan ahensya ng pamahalaan, nasa 70 lalawigan ang dumaranas ng hagupit ng El Niño sa sektor ng agrikultura. Sa naturang bilang, limang lokalidad na ang nagdeklara ng state of calamity.
Sa pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posibleng maramdaman ang sukdulang epekto ng El Niño sa bansa pagsapit ng buwan ng Abril.
Patuloy naman aniya ang pagbabantay ng pamahalaan sa pagbaba ng water level ng Angat Dam na nag susupply ng 90 porsyento ng pangangailangan ng mga kabahayan at establisyemento sa Metro Manila.
Nakatutok na rin di umano ang Department of Health sa pagtaas ng mga kaso ng diarrhea sa Paluan, Occidental Mindoro.
