
KUNG pag-uusapan ang buwanang sahod, daig ng mga opisyales ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., batay sa pag-amin ng tagapagsalita ng naturang ahensya.
Sa pagpapatuloy ng budget deliberation ng House Committee on Appropriations, partikular na tinukoy ni PhilHealth spokesperson Israel Pargas ang 2021 executive order na nilagdaan ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte na aniya’y nagbigay-daan para maging triple ang sweldo ng mga nakapwesto sa naturang ahensya ng gobyerno.
Ginawa ni Pargas ang pag-amin matapos igisa ng mga kongresista hinggil sa isinapublikong resulta ng pagsusuri ng Commission on Audit (COA) sa kontrobersyal na tanggapan ng pamahalaan.
Sa COA audit report, lumalabas na sumipa ang kabuuang sahod ng mga Management Personnel ng PhilHealth sa P71.45 milyon pondo mula sa dating P26.2 milyon noong 2021.
Bukod sa PhilHealth, natriple na rin aniya ang sahod ng iba pang government-owned and controlled corporations.