
NGANGA pa rin ang mga pribadong pagamutan sa tumataginting na P27 bilyon na pagkakautang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noong kasagsagan ng pandemya.
Sa pagharap ng mga opisyales ng PhilHealth sa House Committee on Appropriations kaugnay ng panukalang P199 bilyong pondo ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng 2024 national budget, nangako si PhilHealth President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr. na babayaran ng nasabing ahensya ang nasa P27 bilyong pagkakautang ng PhilHealth sa mga pribadong ospital.
“Within 90 days, we will try to pay a very high percentage of P27 billion. I am confident that within 90 days from today, the majority if not all will be paid off,” garantiya ni Ledesma bilang tugon sa tanong ni Agri partylist Rep. Wilbert Lee.
Para kay Lee, lubos na nakapagtatakang hindi binayaran ng PhilHealth ang pagkakautang sa mga pribadong pagamutan sa kabila pa ng mahigit P466 bilyong investible funds ng PhilHealth at mahigit sa P68 bilyon net income na mayroon ang nasabing ahensya.
Ang di mabayarang utang ng PhilHealth din aniya ang dahilan sa likod ng pagtanggi ng ilang pribadong ospital tumanggap ng mga pasyente kung gagamitin ang PhilHealth card.
Samantala, baliktad naman ang kaganapan sa mga pribadong ospital na kinakapos na ng pam[pasweldo sa mga empleyado, habang triple naman ang itinaas ng buwanang sahod ng mga opisyales ng PhilHealth, batay sa pinakabagong pagsusuri ng Commission on Audit (COA).