IGINIIT ni House impeachment adviser and trial spokesperson Ace Barbers na dapat ipaliwanag ni Vice President Sara Duterte kung kasama sa mga idineklarang ari-arian sa isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ang 51 iba’t-ibang uri ng baril, na tinatayang aabot sa halagang P7.22 million.

Partikular na tinukoy ni Barbers ang records na iprinisinta ng Philippine National Police (PNP) sa ginanap na impeachment trial. Ayon sa datos ng pambansang pulisya, may 22 registered firearms na nakapangalan sa bise presidente, habang si Carpio ay nagmamay-ari naman ng 29 baril.

“Kung titingnan natin, base sa testimonya ng aming witness mula sa Philippine National Police, meron pong 51 pieces ng baril ang mag-asawang Duterte and Carpio,” sabi ni Barbers.

Sa pagtaya ng PNP, ang halaga ng mga baril ni Duterte ay nasa P2.18 million, habang sa mister nito naman ay higit P5 million.

“Kung susumahin natin ito, ito ay aabot ng P7.22 million na halaga ng 51 pieces ng baril na hindi idineklara,” dagdag ng former Surigao del Norte solon.

Malaking katanungan umano kung ang nasabing kabuuang halaga ng mga baril ay naisama ni Duterte sa kanyang 2024 SALN, partikular sa idineklara niyang P21.13 million “other personal properties.”

“So ang tanong ng taong-bayan, ’yun bang 7.22 million kasama ba ’yan sa others? O anong value, o anong halaga ng mga baril ang inyong idineklara diyan sa sinasabing others?,” sambit ni Barbers.

Masusing binubusisi ng prosekusyon sa impeachment trial ng bise presidente ang mga nilalaman ng SALNs nito, kaugnay sa Article II o impeachment case laban kay Duterte, na nag-aakusa ng pagkakaroon nito ng hindi maipaliwanag na yaman, maling pagdedeklara ng net worth at paglabag sa probisyon na pagkakaroon ng business interests habang nanunungkulan sa pamahalaan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *