WALA maski isang bise-presidente – nakaupo man o dating nanungkulan – ang dadalo sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Batasang Pambansa sa Hulyo 22.
Ayon House Secretary General Reginald Velasco, pawang nagpasabi na sina former Vice President Leni Robredo (2016-2022), Jejomar Binay 2010-2016), at Noli de Castro (2004-2010) na hindi sila makakadalo sa ikatlong SONA ng Pangulo.
Maging si Vice President Sara Duterte, hindi rin magiging bahagi sa nakatakdang ulat ng Pangulo – “No, I will not attend the SONA,” wika ni Duterte sa isang panayam sa GMA News.
Nang tanungin kung sino sa mga dating Pangulo ang inimbitahan ng Kamara (bilang punong-abala), sinabi ni Velasco na wala pang tugon sina former President Joseph Estrada at Rodrigo Duterte.
Gayunpaman, tiniyak ni Velasco na sisipot si former President Gloria Macapagal-Arroyo na tumatayong Kinatawan sa Kamara ng isang distrito sa lalawigan ng Pampanga.
