Ni ESTONG REYES
TALIWAS sa unang pasabog, biglang kambiyo si Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) chairman Alejandro Tengco na hindi naglobby si dating Presidential Spokesperson Harry Roque para gawaran ng lisensya Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na nakabase sa Porac, Pampanga.
“Hindi naman po siya naglobby. Gaya ng sinabi ko kanina, siya po ay may sinamahan na isang kliyente niya. siya naman po ay isa nang abogado na ngayon. wala naman po sigurong masama na ang isang abogado ay magsama ng isang kliyente,” wika ni Tengco pagkatapos ng pagdinig Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Una nang inamin ni Tengco na personal na nagtungo sa kanyang tanggapan si Roque noong Hulyo 26, 2023 para humingi ng tulong hinggil sa kabiguan ng Lucky South 99 na tugunan ang obligasyon sa pamahalaan ng isang POGO hub sa Porac, Pampanga.
Katunayan aniya, kasama pa ni Roque ang isang Cassandra Lee Ong na tumatayong kinatawan ng Lucky South 99 na may $500,000 na pagkakautang sa PAGCOR.
Kwento pa ni Tengco, isinumbong din nina Roque at Ong si dating Technology and Resource Center director general Dennis Cunanan na tumangay ng pambayad ng naturang POGO firm.
“At yun po ay nagsabi sa amin nang harapan sa aking tanggapan, nagpaliwanag po si Bb. Cassandra Lee Ong na siya po ay naloko raw. ng isang lalaking nagngangalang Dennis Cunanan… na yung anim na buwan palang hindi nila naibayad sa PAGCOR ay doon nilai binabayad,” paliwanag ni Tengco.
“Eh hindi naman pala inireremit ni Ginoong Cunanan sa amin. Yun po ang istorya na ipinaabot sa amin,” dugtong ng PAGCOR chief.
Bago pa man kumambiyo si Tengco, pinabulaan ni Roque ang pahayag ni Tengco na nagdadawit sa kanyang pangalan sa sinalakay na POGO hub noong nakaraang buwan.
“I am not and have never been a legal counsel to any illegal POGO. Neither was I counsel to Lucky South 99, Incorporated,” saad sa isang pahayag ng dating tagapagsalita ng Palasyo.
“I also did not participate in preparing Lucky South’s organizational chart, which identified me as their legal counsel,” dagdag pa niya.
