Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA hangaring pabilisin ang proseso sa pag-amyenda ng Rice Tariffication Bill, hinimok ng isang kongresista ang mga miyembro ng Senado na katigan na lamang ang bersyon ng Kamara.
“Kahit na three days to go na lang, umaasa po kami na ang aming mga Senate counterpart, ang wish namin, i-adopt na lang sana nila yung House version para hindi na po kailangan dumaan sa bicam, and therefore, mas mapabilis ang pagpasa nitong pag-amyenda sa Rice Tariffication Law,” pahayag ni House Assistant Majority Leader at Taguig City 2nd District Rep. Pammy Zamora.
Pag-amin naman ni La Union 1st District Rep. Francisco Paola Ortega V, may mga senador na ang sang-ayon sa agarang pagpapababa sa presyo ng bigas at kabilang aniya sa nakikitang agarang solusyon ang pag-amyenda sa RTL.
“So, habang wala naman po silang sinasalang pa na alternatives or amendments, we are still hopeful that they will act on this kasi nga po it is already treated as an urgent measure,” ani Ortega.
Binigyan-diin naman ni Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun ang kahalagahan ng RTL amendment para sa bayang tugon sa daing ng mga magsasaka at konsyumer.
Kabilang sa nakikitang benepisyo ni Khonghun ang pagpapalakas sa kakayan ng pamahalaan mag-imbak ng sapat na suplay ng bigas at magpatupad ng price stabilization sa panahon ng emergencies at supply shortages.
“Nakikiusap tayo sa mga counterpart natin sa Senado na para din sa seguridad ng bigas sa bansa eh sana pag-isipan nilang mabuti at maipasa ang batas na ito,” apela ni Khonghun.
Umaasa naman si Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. Jay-jay Suarez na mabibigyan ng pansin at panahon ng mga senador ang naturang panukala lalo pa’t hangad ng panukala ay mabawasan ang kasalukuyang presyo ng bigas ng P15 kada kilo para makatulong sa pang araw-araw na gastusin ng maralitang pamilya.
“Kung maipasa po natin ito at maisabatas at ma-implement sa mabilis na panahon, mapapababa kaagad natin ang presyo ng bigas by almost P15,” Suarez pointed out. I think that in itself is an objective we should all be united for. So I hope the Senate can act on that,” hirit ni Suarez.
