NI ESTONG REYES
MATAPOS ang makailang pagtatangka, nakalusot sa wakas ang planong pagpapatalsik kay Senate President Juan Miguel Zubiri.
Sa isang madamdaming privilege speech, nagbitiw si Zubiri sa pwesto bilang lider ng Senado.
Gayunpaman, nanindigan si Zubiri na ginawa lang niya ang dapat – ang tiyakin hindi magiging sunud-sunuran sa administrasyon ang Senado.
Sa isang bahagi ng kanyang talumpati, isiniwalat niya ang dahilan sa kanyang pagbaba sa pwesto – “I failed to follow instructions from the powers that be, simple as that.”
Hindi man binanggit ni Zubiri, usap-usapan sa Senado ang kabiguan ni Zubiri na awatin ang imbestigasyon ni Senador Ronald dela Rosa sa kontrobersyal na PDEA Leaks kung saan nakaladkad ang pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kalakaran ng droga.
Bago pa man bumaba sa pwesto, batid na ni Zubiri ang planong kudetang niluto ng 15 kapwa mambabatas.
Para kay Zubiri, di hamak na malaya ang Senado sa kanyang liderato
“We have been a staunchly independent Senate — let me say that again, we have been a staunchly independent Senate,” wika ng orihinal na miyembro ng tinaguriang Spice Boys ng Kamara de Representantes.
Matapos ang pagbibitiw ni Zubiri, iniluklok naman si Senador Francis Escuero bilang bagong Senate President habang napagkasunduan naman itaas si Senador Jinggoy Estrada bilang Senate President Pro-Tempore.
