
MAANGHANG na patutsada ang isinukli ng mga militanteng kongresista sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa taumbayan na magbayad ng tamang buwis para maiahon ang lugmok na ekonomiya ng bansa.
“Tama ang sinabi ni Pres Marcos Jr. but walk the talk,” maikli subalit may lamang pasaring ni House Deputy Minority Leader France Castro.
Hindi man pinalawig ni Castro ang detalye, tila pasaring ng militanteng kongresista sa Pangulo ang kontrobersyal na P203-bilyong estate tax na hindi binayaran ng pamilyang Marcos sa nakalipas na tatlong dekada.
“Hirap na hirap na rin ang mga mamamayan sa pagbabayad ng buwis mula sa mga binibili, mga utilities, income at iba pa. Kailangan na ngayon ng relief ng mamamayan,” ayon sa kinatawan ng ACT partylist group sa Kamara, kasabay ng hamon kay Marcos na pangunahan ang pagbabayad ng tamang buwis.
Diin pa ni Castro, hindi dapat nakatuon ang mata ng administrasyon sa mga ordinaryong Pilipinong aniya’y maagap at tumpak ang binabayarang buwis sa pamahalaan.
Ang dapat umanong kulitin ng punong ehekutibo – mga oligarkong hindi akma ang binabayarang buwis sa gobyerno.
Hamon pa ni Castro kay Marcos, habulin ang mga malalaking tax evaders, buwisan ang mga mayayamang tao sa gobyerno – dalawang sektor na kumakatawan sa 2% ng kabuuang populasyon ng bansa.
Giit pa ng militanteng kongresista, bawasan ang buwis na binabayaran ng mga ordinaryong tao sa pamamagitan ng pagtanggal sa excise tax sa langis at value added tax sa mga pangunahing bilihin. Tampulan rin ng kantyaw sa social media ang panghihikayat ni Marcos sa mga Pilipino para magbayad ng tamang buwis sa gobyerno.
Kabilang sa mga nagpasaring si dating Ifugao Rep Teddy Baguilat. “Seryoso?,” panunukso ni Baguilat sa sa social media.