PARA sa mas mabilis at mahusay na serbisyo, pormal na binuksan ng Kamara ang ‘Suporta sa Bayan Desk’ (SBD) na sadyang nilikha bilang takbuhan ng mga mamamayang nangangailangan ng tulong ng pamahalaan.
Para kay House Speaker Faustino Dy III, higit na angkop ang pagkalinga sa mga mamamayan higit lalo sa mga indibidwal na lumalapit at umaasa sa kanilang Kapulungan.
“This is about making sure that every Filipino who seeks help from the House of Representatives is properly taken care of. That is precisely why it is called the House of the People, where service should be felt by our kababayan. Ito ang alagang Kongreso,” wika ni Dy.
Pag-amin ni House Deputy Secretary General Edgardo Pangilinan, ang SBD ay inisyatiba ng lider ng Kamara, katuwang si House Majority Leader Sandro Marcos sa hangaring higit pang ilapit ang Kongreso sa publiko.
Dagdag niya, ito’y para matugunan ang patuloy na paglapit ng mga mamamayang Pilipino sa Kongreso para humingi ng iba’t-ibang klase ng tulong.
Bagamat ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) o Department of Health (DOH) ang nagkakaloob ng tulong, ang papel ng SBD ay matiyak na mai-proseso nang maayos ang mga request at mai-endorso sa kinauukulan ahensya ng gobyerno.
“Hindi kami, ang DSWD, o ang DOH pa rin ang magbibigay ng assistance. Pero pina-facilitate namin, kami nag che-check ng requirements para pagdating doon kumpleto na. May coordination kami sa kanila para alam nila na ‘pag galing dito maayos na ‘yung mga dokumento,” paliwanag pa ng House official.
“And to ensure proper assessment of needs, the House hired social workers to evaluate applicants,” dugtong ni Pangilinan.
“Pinapaalam po namin sa inyong lahat na bukas po ang House of Representatives para umalalay sa inyo, sumuporta sa inyong mga pangangailangan. Kami po ay tutulong para mapadali ang inyong pagkuha ng mga serbisyo ng ating mga ahensya,” paglalahad din niya.
Ang centralized public assistance desk ng Kamara ay matatagpuan sa north gate ng Batasan Complex, Quezon City, bukas mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon, Lunes hanggang Huwebes.
Paalala naman ni Pangilinan, ‘first-come, first-serve’ at hanggang 70 indibidwal ang kayang ma-accommodate kada araw ng SBD.
