ISANG araw bago ang itinakdang deadline, bigo pa rin ang milyon-milyong SIM card holders na i-rehistro ang gamit na subscriber identity module (SIM) cards bunsod ng di umano’y pasumpong-sumpong na web portal ng mga telecom companies.
Batay sa pinakahuling datos ng National Telecommunications Commission (NTC), nasa 80,372,656 SIM cards pa lang ang rehistrado – katumbas ng 47.84% ng kabuuang bilang na target ng Republic Act 11934 (SIM Registration Act).
Batay sa datos na nakalap ng NTC mula sa tatlong telecom companies, nasa 38,855,942 ang nairehistrong Smart SIMs. Pumangalawa naman ang Globe na may 35,826,942 registered SIMs, habang 5,690,385 naman ang naitalang compliance ng Dito Telecommunity.
Kamakailan lang, kinatigan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga panawagan para sa pagpapalawig ng April 26 deadline na itinakda sa ilalim ng SIM Registration Act
Gayunpaman, nilinaw ng NTC na wala pang natatanggap na kopya ng napaulat na petisyong inihain di umano sa Korte Suprema.
Una nang nagbabala ang NTC na puputulan ng linya ang mga SIM cards na hindi rehistrado pagsapit ng Abril 26.