
SA 3,992 na pumasa sa 2022 Bar Examinations, 92 ang nabibilang sa hanay ng mga ahensya sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Interior and Local Government (DILG), pagmamalaki ni Sec. Benhur Abalos, kasabay ng panawagan na magsilbi ng may dignidad at katapatan.
Hamon ni Abalos sa 92 bagong abogado ng departamento, tulungan ang kagawaran na ibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa sistema ng hustisya sa paraang naaayon sa pinasok na propesyon.
“Congratulations sa mga bagong abogado! Ito ay simula lamang ng inyong mahaba ngunit makabuluhang paglalakbay sa legal na propesyon. Hinihikayat ko kayong lahat na magpakita ng hindi nagkakamali na pagsasagawa ng inyong propesyon na may pag-asang makapagbigay ng malalim na pagtitiwala sa ating sistema ng hustisya sa bansa,” pahayag ni Abalos.
“Bilang mga abogado, marapat lamang na ating tiyakin na ang hustisya ay ating maihatid nang walang takot at buong karangalan para sa kapakanan ng mga mamamayan,” giit ng Kalihim.
Sa 92 bagong abogado sa ilalim ng departamento, 15 ang mula sa DILG Regional Office habang 77 naman ang mula sa mga DILG-attached agencies kabilang ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), National Police Commission (NAPOLCOM), at National Commission on Muslim Filipinos (NCMF).