TULAD ng inaasahan, pinalawig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panunungkulan ni General Rommel Marbil bilang hepe ng pambansang pulisya – pasyang lubos na suportado ng nasa 228,000 miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Sa kalatas ni PNP Public Information Office chief Col. Randulf Tuaño, binigyan pa ng apat na buwan sa pwesto si Marbil na magdiriwang ng ika-56 na kaarawan bukas, Pebrero 7, 2025.
Sa ilalim ng batas na lumikha ng pambansang pulisya, obligadong magretiro ang isang pulis pagsapit ng edad na 56 – maliban na lang kung ipag-uutos ng Pangulo ang pagpapalawig ng termino.
Para kay Tuaño, hindi matatawaran ang “internal reform” na bitbit ni Marbil sa pambansang pulisya, kabilang ang “pagwawalis ng anay sa loob ng hanay” – bukod pa sa pagpapalakas ng kakayahan ng PNP kontra malawakang cybercrime.
Pinalawig ni Marcos ang panunungkulan ni Marbil bilang bahagi ng agresibong paghahanda sa nalalapit na midterm election sa Mayo. (EDWIN MORENO)
