
HINDI na kailangan pang habulin ng pamahalaan ang bruskong politiko na itinuturong utak sa likod ng mahabang talaan ng patayan sa Negros Oriental matapos magpasya ang husgado na tuluyang kanselahin ang pasaporte ni former Rep. Arnolfo Teves Jr.
Sa isang kalatas, kinumpirma din ng Department of Justice (DOJ) ang kanselasyon ng pasaporte ni Teves, batay sa pasya ng Manila Regional Trial Court.
Ayon sa DOJ, natanggap na ng ahensya ang sipi ng kapasyahan na inilabas petsang Pebrero 8, 2024 para sa agarang pagkansela sa pasaporte ng sinibak na mambabatas.
Si Teves ang sinasabing utak sa pagpaslang kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at sa siyam na iba pang indibidwal na pinagbabaril ng armadong grupo sa bayan ng Pamplona (Negros Oriental) noong Marso 4, 2023.
Nauna nang inilagay ng Anti-Terrorism Council ang pangalan ng naturang kongresista sa talaan ng mga terorista.
Pinatalsik si Teves sa Kamara de Representantes at kasalukuyang nasa labas pa rin ng bansa. Huling nakita ito sa Timor-Leste kung saan ay napabalitang humihingi ng political asylum.
Pinakilos na rin ng DOJ ang National Bureau of Investigation na tugisin at ibalik sa bansa ang nagtatagong dating kongresista.