
MATAPOS palabasin sa bilangguan, muling dinakip si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. para isailalim sa house arrest, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ng DOJ ang resolusyon na inilabas ng Court of Appeals ng Timor-Leste na hindi angkop na mawala sa kustodiya ng pamahalaan ang dating kongresista.
Ang dahilan – “flight risk” di umano si Teves.
Paliwanag ng Court of Appeals ng naturang bansa, may malawak na impluwensya at kakayahan gumastos si Teves na lisanin ang Timor-Leste tulad ng kanyang ginawang pagpuslit papasok ng bansa sakay ng isang private jet.
Batay sa impormasyon ng Court of Appeals ng Timor Leste, nakatira sa isang malaking apartment ang sinibak na kongresista kasama ang asawa, dalawang anak at 20 kasambahay kabilang ang 10 Pinoy.
Hindi rin anila biro ang halaga ng buwanang renta na binabayaran ni Teves sa tinutuluyang apartment – tumataginting na $10,000 kada buwan.
Si Teves pangunahing suspek at di umano’y uitak sa mahabang talaan ng pamamaslang – kabilang ang pagpatay kay Gov. Roel Degamo – sa lalawigan ng Negros Oriental noong Marso ng nakalipas na taon.
Pasok din si Teves sa talaan ng mga tinaguriang terorista.
Pagtitiyak ng Timor-Leste, mananatiling nakahouse-arrest ang ang sinibak na congressman habang dinidinig ang extradition request ng Pilipinas.