PARA kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, hindi dapat palampasin ang tinawag niyang “overkill” na pagsalakay ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Special Action Force (SAF) sa baluarte ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni Duterte ang napipintong paghahain ng kaso sa mga aniyang pulis na sapilitang pinasok ang KOJC Compound sa Barangay Buhangin, Davao City kung saan inaresto din umano ang siyam na miyembro ng KOJC sa lungsod ng Davao noong nakalipas na Lunes.
Ayon sa dating Pangulo na tumatayong administrador ng mga pag-aari ng puganteng pastor, hindi angkop gamitan ng labis na pwersa ang paghahain ng mandamiento de arresto kay Quiboloy na kilalang malapit kay Duterte bago pa man naluklok sa Palasyo.
Inihahanda na rin umano ng kampo ni Quiboloy ang mga testimonya ng mga nagbarikadang miyembrong nakaranas ng karahasan sa kamay ng mga pulis na aniya’y sumunod sa nakakataas kahit mali ang direktiba.
Kalakip din aniya ng paghahabla ang imbentaryo sa mga nasirang ari-arian bunsod ng pwersahang pagpasok ng mga operatiba sa KOJC Compound.
Samantala, kinastigo naman ng mga netizens ang bantang pagdedemanda ni Duterte sa mga pulis na ginamit din umano ng dating Pangulo sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas ng administrasyon.
Sa pagtataya ng mga human rights groups, higit pa sa 30,000 ang pinaslang sa ilalim ng Oplan Double Barrel na inilunsad ni Duterte noong siya pa ang Pangulo – dahilan para sampahan ng kaso ang dating Pangulo sa International Criminal Court.
