WALANG kinalaman ang nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump sa mas pinabilis na paglilitis ng Senate impeachment court kay Vice President Sara Duterte. Bilang patunay, inihayag ni House impeachment adviser at dating Surigao del Norte Rep Ace Barbers hinggil sa trial order kung saan nakapaloob ang serye ng petsa para sa pagpapatuloy ng pagdinig ng korte. Giit ni Barbers, malabong panghimasukan ng pamahalaan ang impeachment proceedings para sa political o diplomatic reasons dahil nailatag na ang trial calendar, alinsunod sa proseso ng impeachment court. “Walang katotohanan ‘yan, dahil ang scheduling ng ating paglilitis diyan sa ating impeachment court ay nakabase doon sa naaprubahan trial order mula sa ating clerk of court,” wika ni Barbers. “Kung natatandaan natin, bago magsimula itong impeachment trial ay nagkaroon muna ng pretrial conference ang dalawang panig kasama ang clerk of court,” paliwanag ng dating kongresista. “Ang prosecution at ang defense panel ay nag-usap at nagpakitaan ng kanilang mga issues na dapat talakayin sa korte, ebidensyang ihaharap, pangalan ng mga testigo at documentary evidence na ilalatag ng bawat panig sa harap ng ating impeachment court,” ani Barbers. Ayon sa dating mambabatas, ang impeachment court ang nagpasya i-adjust ang hearing calendar para mabigyan ng panahon ang legislative works ng Senado kabilang na ang pagtalakay sa panukalang 2027 national budget, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng full-day trials at recess sa pagitan ng Oktubre at Nobyembre. Bukod dito, tinanggap din, aniya, ng Senate impeachment court ang desisyon ng prosekusyon na bawiin ang inihaing tatlong impeachment articles at tanging ang Article II, na nag-aakusa kay Duterte na pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman, maling deklarasyon ng net worth at pagkakaroon ng ipinagbabawal na business interests. “So walang katotohanan na sinasabi nilang minamadali itong trial na ito,” saad pa ni Barbers. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Pinas dumaranas ng 1M cyber attack kada araw 8 trial days hirit ng depensa para ilatag kontra ebidensya