PARA kay Senador Erwin Tulfo, hindi sapat ang pagsuspinde ng excise tax sa mga produktong petrolyo upang maibsan ang pasanin ng Pilipino sa pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin.
Sa pagdinig ng Senate Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) ad hoc committee nitong Lunes, Abril 13, 2026, iminungkahi ni Tulfo na ang pagbabawas ng excise tax ay dapat sundan sa pagtanggal ng value-added tax sa produktong petrolyo upang mapagaan ang pasanin sa mataas na presyo ng pangunahing bilihin—at hindi lamang para sa pasahero at may-ari ng sasakyan.
“May mga nagsasabi po, Mr. Chair, na yung pag-suspinde po sa excise tax na ipinasa po natin dito, isinumite na po sa Pangulo, will not be sufficient,” ani Tulfo sa pagdinig.
Inilarawan ng senador ang pagkaltas ng 10 percent excise tax na maganda “para sa isang press release” at mararamdaman ng mga may-ari ng sasakyan at drayber ngunit hindi ng publiko sa pangkalahatan.
“Pero actually, hindi po talaga mararamdaman ng mga tao po ito, itong 10 percent reduction sa excise tax,” sabi ng senador kasabay ng hirit na alisin ang VAT upang makinabang ang publiko.
“Mararamdaman po ito kung yung VAT din ay aalisin din po natin. Pero kung aalisin natin ang excise tax sa mga gasolina, mararamdaman po ng konti yun ng mga may sasakyan. Pero yung mga nag-commute po, hindi nila mararamdaman po ito,” anang senador.
Sinabi niya na sa kanyang bersyon ng panukalang Senate Bill 1935, ang VAT sa pagbebenta ng mga produktong petrolyo ay awtomatikong sususpindihin din kapag ang average na presyo ng Dubai crude oil, batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS), ay umabot sa $80 bawat bariles.
Ang panukalang batas ay nagmumungkahi rin na ipawalang-bisa ang VAT sa mga imported na produktong petrolyo kapag naabot na ang parehong antas ng presyo.
Bukod dito, layon din ng panukala awtomatikong itigil ang pangongolekta ng excise tax sa mga produktong petrolyo kapag umabot o lumampas ang pandaigdigang presyo ng langis sa $80 kada bariles.
Sinabi naman ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan, sa parehong pagdinig, na pinag-aaralan ng ahensya ang mga implikasyon ng anumang panukalang makakaapekto sa kabuuang fiscal and economic system.
Noong Marso 25, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12316, na nagbibigay sa kanya ng emergency power na suspindihin o bawasan lamang ang excise tax rate sa gasolina.
Ang pagbawas sa excise tax sa diesel at gasolina, gayunpaman, ay aabutin ng 15 araw matapos pirmahan ni Marcos ang batas bago ito magkabisa.
