HINDI angkop na gamitin ng China bilang propaganda ang pagtulong sa mga mangingisdang Pinoy
Sa isang pahayag na inilabas ng Philippine Coast Guard, partikular na tinukoy ang inilabas na video na isang mangingisdang Pilipino ang binigyan ng pagkain at inumin ng sundalo ng China sa karagatan ng Zambales.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, bagama’t kinikilala ang naging pagmamagandang loob ng People’s Liberation Army Navy, may mga bagay na dapat ikonsidera.
Una, wala umanong natanggap na impormasyon ang PCG mula sa Chinese Navy tungkol sa lokasyon o kondisyon ng mangingisdang sinasabing tumanggap ng tulong.
Hindi rin aniya akma ang ulat na tatlong araw nang nagpapalutang-lutang ang mangingisda kundi nakatali ito sa payao at naghihintay lamang ng kanilang barko.
Iginiit din ni Tarriela na walang lehitimong rason ang barko ng China na manatili sa loob ng ating Exclusive Economic Zone lalo’t nangyari ito sa layong 71 nautical miles lamang mula sa Silanguin Island sa Zambales.
Umaasa ang PCG na hindi gagamitin bilang propaganda ng China ang insidente kundi pagkilala sa karapatan ng mga Pilipino na makapangisda sa karagatan ng Bajo de Masinloc.
Ipinost ng Embahada ng China sa Pilipinas ang video ng insidente na nangyari umano noong araw ng Pasko. (JULIET PACOT)
