BAGAMAT wala pa namang anumang senyales ng paghihiwalay ng landas sa pagitan ng magkatambal na pambato ng Uniteam, posibleng ilaglag ng administrasyon si Vice President Sara Duterte sa sandaling madawit sa kontrobersyal na imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa amang dating Pangulo.
Ayon kay former Presidential Adviser for Political Affairs Ronald Llamas, inaasahan niya ang pagbabago sa posisyon ng kampo ni Marcos Jr. bunsod ng napipintong pagsampa ng batang Duterte sa Palasyo sa pagbaba sa pwesto ng Pangulo sa 2028.
Isa sa nakikitang dahilan ni Llamas ang aniya’y sunod-sunod na pagsisiwalat ng bulilyaso at patutsadang nilalabas ng mga social media influencers na kilalang tagasuporta ng mag-amang Duterte.
Kabilang sa mga paunang atake ng aniya’y pro-Duterte vloggers ang pagbubunyag ng tourism promotional video na naglalaman ng mga kinopyang footages na kuha sa limang iba pang bansa, ang pagtatalaga disbarred lawyer sa kabila pa ng desisyon ng Korte Suprema, at iba pa.
Naniniwala rin ang dating opisyal ng Pangulo na tatakbong Pangulo si VP Sara pagsapit ng 2028.
Gayunpaman, nilinaw ni Llamas na magiging manit ang bakbakan sa pagitan ng kampo nina Marcos Jr. at batang Duterte sa pagsapit ng 2025 midterm elections.
“Baka sa midterms ay gamitin na yan doon sa classic na binabanggit natin na Damocles sword sa ulo ng mga Duterte dahil papunta na iyan sa eleksyon sa 2028,” ani Llamas sa panayam ng Politiko.Ph kamakailan.