SA pag-arangkada ng kabi-kabilang medical missions sa ilalim ng programang “LAB for ALL,” kumbinsido ang isang prominenteng political analyst na ang naturang pag-iikot ay bahagi ng estratehiya at paghahanda sa napipintong pagpasok ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa pulitika.
Ayon kay Publicus Asia founder Malou Tiquia sa isang programa sa telebisyon, malaki ang posibilidad na tumakbong senador ang asawang abogado ng Pangulo pagsapit ng 2025 midterm election.
“Sa akin manifestation yun na she’s feeling the pulse and looking at how things would be. Hindi naman bago na ang isang First Lady na tatakbo para sa politika,” ani Tiquia sa programang ‘The Chiefs’ ng TV5.
Gayunpaman, naniniwala si Tiquia na mahahati ang pwersa ng Pangulo sakaling tumuloy ang Unang Ginang sa pagtakbo bilang senador.
“Interesting ‘yon kasi makikita mo si Marcos 1.0 ang binabantayan lang talaga legacy ng tatay eh. ‘Yong Marcos 2.0, nag-go beyond na sa legacy ng tatay,” aniya pa.
Ang “LAB for ALL” ng Unang Ginang (na kilala bilang LAM) ay programang nagsusulong ng libreng konsultasyon at gamutan sa iba’t ibang lalawigan.