MATAPOS lumantad sa kauna-unahang online press conference mula nang maganap ang pamamaslang sa kalabang politiko, nananatiling tikom si suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. hinggil sa kanyang kinaroroonan.
“Yung sa South Korea, ah, no comment na lang. It’s for me to know and for them to find out,” ani Teves nang tanungin hinggil sa pahayag ng isang senador na nagsabing may nakakita sa nagtatagong kongresista habang kumakain sa isang hotel sa South Korea.
Una nang sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na nakatanggap siya ng impormasyon kung saan naglulungga ang kongresistang suspek sa kabi-kabilang patayan sa lalawigan ng Negros Oriental.
Partikular na tinukoy ni Villanueva ang Lotte Hotel kung saan di umano siya nakita ng mga kaibigan niyang nagtungo sa naturang bansa para magbakasyon.
Bago pa man nakatanggap ng impormasyon si Villanueva sa kinaroroonan ni Teves, lumutang rin ang balita nasa Cambodia ang suspendidong kongresista.
Pebrero 28 nang lumipad patungong Estados Unidos si Teves para di umano sa stem cell treatment. Gayunpaman, hindi na bumalik sa Pilipinas ang kontrobersyal na kinatawan ng Negros Oriental matapos mapaso noong Marso 9 ang travel authority na iginawad ng Kamara.
Hindi na bumalik sa Teves sa kabila ng mga panawagan humihikayat at pagtiyak ng kanyang kaligtasan sa kanyang pagbalik – hudyat para patawan siya ng parusang suspensyon ng mga kapwa mambabatas. Katwiran ng kongresista, may banta sa kanyang buhay.