ARMED and dangerous. Ganito inilarawan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major Gen. Edgar Alan Okubo is dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gen. Gerald Bantag na pinaniniwalaang utak sa likod ng pamamaslang kay broadcast journalist Percy Lapid at sa isang bilanggong nagsilbing kasador sa paghahanap ng salarin.
Ayon kay Okubo, kinokonsidera ng NCRPO na delikadong tao si Bantag – “Yes. They know more doon sa higher headquarters at really he is armed and dangerous. We will always be ready and take considerations din sa factors na yan. It will all depend sa manhunt operations natin.”
Gayunpaman, nilinaw ng NCRPO chief na patuloy na nakikipag-ugnayan ang NCRPO sa mga pwede aniyang kumausap kay Bantag para sumuko na lang at harapin ang mga nakasampang kaso.
“May mga separate naman na kinakausap tayo para ma-reach out siya kung pwede siya sumuko peacefully na lang to any officer na meron siyang kumpiyansa at mapagkakatiwalaan niya. We are also open to that para maharap na niya tong problema na ito,” aniya pa.
Samantala, kinumpirma ni Okubo na nakatakdang ilipat ang aminadong gunman na si Joel Escorial mula sa ililipat sa NCRPO-Regional Special Operations Group (RSOG) sa Camp Bagong Diwa, patungo sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame.
Ito aniya ay matapos pagbigyan ng Las Piñas Regional Trial Court Branch 254 ang motion to transfer custody na inihain sa korte ni RSOG chief Lt. Col. Wilfredo Sy para kay Escorial – ang aminadong gunman na pumatay kay Lapid noong Oktubre 3 ng nakaraang taon sa lungsod ng Las Piñas.
Paliwanag ni Sy, bukod aniya sa walang detention facility ang kampo, itinuturing na maselan ang kalagayan ni Escorial na inaasahang magiging susi sa pagdinig ng husgado sa kasong murder laban kay Bantag at iba pa.
Para kay Sy, mas mapoprotektahan si Escorial sa Camp Crame.
Ayon naman kay Okubo – “Dun muna ‘yung pinaka-safe na pwedeng paglagakan sa kanya para, well, it’s a safe place para maprotektahan siya doon, and kung ano man plano sa kanya ng gobyerno to make him a state witness dun na pagdesisyunan. Likewise, mga lock up cell lang kasi ang meron kami dito.”
Patuloy ang manhunt operation laban kina Bantag, Ricardo Zulueta at iba pang akusado kaugnay ng pagpaslang kay Lapid at NBP detainee na si Jun Villamor.