
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA sa tinaguriang Young Guns ng Kamara, napapanahon nang ibaba ang singil sa kuryente para sa kapakinabangan ng mga mamamayang Pilipino.
Bilang pambungad, nagpahayag ng suporta ang grupo ng mga batang kongresista sa hirit ni House Speaker Martin Romualdez na repasuhin ang Electric Power Industry Regulation Act (EPIRA) hindi lang para pababain ang presyo ng kuryente kundi maging tiyakin ang maaasahan at sapat na supply.
“We fully support this move by our leader in the House. If we can finally reduce the cost of electricity, this would be one of the legacies of our Speaker and the chamber he heads,” saad ng mga mambabatas.
Ang sama-samang pahayag ay ginawa nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ng Pampanga, Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez ng Quezon, at House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe ng Zamboanga City, kasama ang Young Guns sa pangunguna ni Reps. Inno Dy V ng Isabela, Rodge Gutierrez ng 1-Rider Partylist, Jil Bongalon ng Ako Bicol Partylist, Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, Paolo Ortega ng La Union, Jay Khonghun ng Zambales, Mika Suansing ng Nueva Ecija, Joel Chua ng Manila, Migs Nograles ng PBA Partylist, at Cheeno Miguel Almario ng Davao Oriental.
Sinang-ayunan ng mga mambabatas ang pahayag ni Speaker Romualdez na magsagawa ang Kamara ng komprehensibong pag-aaral sa EPIRA upang tuluyang mapababa ang presyo ng kuryente.
Bagamat mayroon umanong mga inihayag na plano noong nakaraan, wala pa anilang nagsagawa ng pag-repaso sa naturang batas.
“In the meantime, power rates in the country continually went up to the extent that they are now among the highest in the ASEAN region,” anila.
Kasama ang pag-amyenda sa EPIRA sa 28 panukala tinukoy sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na bibigyang prayoridad ang pagpasa bago matapos ang 19th Congress sa Hunyo 2025.
Kasabay ng pagtalakay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pag-renew sa prangkisa ng Manila Electric Company (Meralco), iginiit ng mga mambabatas na panahon na ring isabay ang diskusyon sa pagpapababa ng singil sa kuryente.
“Let’s examine how Meralco can support the Marcos administration in reducing its power distribution rates,” paglalahad nila. “It’s time we alleviate or at least lessen the suffering of our people. Congress should address the issues created by the EPIRA law.”
Kung mapapababa umano ng kasalukuyang Kongreso ang presyo ng kuryente, mangangahulugan na nagawa nito ang nabigong gawin ng mga nagdaang Kongreso.
“That achievement then would be one of the legacies of our Speaker and his present colleagues in the House,” giit nila.
Kapwa ipinunto ng mga lider ng Kamara at Young Guns na kung maibababa ang presyo ng kuryente ay magbibigay-daan sa pag-unlad ng ekonomiya.
“The expansion of our economy has long been hobbled by high electricity rates. This problem has consistently been one of the top concerns of the business community since the enactment of EPIRA,” sabi ng mga mambabatas.
Nauna rito ay sinabi ni Speaker Romualdez na, “We will work to further reduce electricity rates and rice prices. Accomplishing that will surely lead to a further moderation of inflation.”
“Tingnan natin ang posibleng amendments sa EPIRA para maibaba natin yung presyo ng kuryente, para abot kaya ng lahat yung sa tamang presyo,” hirit ni Romualdez kaugnay ng mga datos kung saan lumalabas na ang Pilipinas ang isa sa may pinakamataas na singil sa kuryente sa buong ASEAN region.
Ani Speaker Romualdez, target ng Kamara na matapos ang mga pagbabago sa EPIRA bago ang Christmas break ng Kongreso.