SA gitna ng peligrong dulot ng matinding alinsangan sa pagpasok ng panahon ng tag-init, nanawagan si Ang Probinsiyano Party List (APPL) Rep. Alfred Delos Santos sa Department of Education (DepEd) na dagdag ang mga pasilidad sa mga eskwelahan para maiwasan ang heat stroke sa hanay ng mga estudyante at guro.
Maliban sa suspensyon ng klase at hybrid mode ng pagtuturo, kailangan din ani Delos Santos alamin ng Department of Education (DepEd) ang sitwasyon sa mga pampublikong paaralan.
Para kay Delos Santos, napapanahon na rin bumalangkas ang DepEd – sa pakikipagtulungan sa mga local government units (LGU) ng “short and long-term solutions.”
Kabilang sa mga mungkahi ng partylist congressman ang paglalagay ng epektibong cooling system tulad ng air conditioning units — o kaya’y dagdag bentilador sa bawat silid-aralan.
Kumbinsido rin si Delos Santos sa kailangan dagdagan ang drinking stations sa loob ng mga campus.
“Hindi na natin dapat hintayin pang may mga batang magkasakit bago tayo kumilos. Kailangan nating maging maagap sa pagbuo ng mga hakbang na naaayon sa bawat lugar sa ating bansa, lalo na sa mga paaralang kulang sa bentilasyon at proteksyon mula sa matinding init,” ayon kay Delos Santos.
Panawagan ng APPL sa DepEd at mga lokal na pamahalaan, karagdagang pondong pambili ng electric fan, aircon, drinking stations at iba pang cooling equipment sa lahat ng paaralan.
“Napakahalaga rin po na may malinis na maiinom na malinis at malamig na tubig ang ating mga estudyante sa paaralan, para man lang mapawi ang uhaw dahil sa init. Umaasa po tayong matutugunan ito ng DepEd at kinauukulan ahensya sa pakikipagtulungan ng ating lokal na pamahalaan,” giit ni Delos Santos.
Pagtitiyak ng sectoral representative, patuloy na makikipag-ugnayan ang APPL sa mga kagawaran at ahensya ng gobyerno hindi amang para sa agaran kundi para sa pangmatagalang solusyong maybibigay-daan para sa ligtas na kapaligiran para sa mga estudyante. (ESTONG REYES)
