
SA bayan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal, para-paraan ang naghaharing pwersa. Pero hindi na tulad ng dati ang estilo. May bagong gimik ang mga damuho.
Kamakailan lang, sinalakay ng Business Permits and Licensing Office (BPLO) ang R&R Wet and Dry Market sa Barangay San Isidro. Sa unang sulyap, mukha naman lehitimo ang operasyon ng BPLO, kasama ang ilang miyembro ng lokal na pulisya ng Montalban.
Pero ang lubos na nakapagtataka, itinaon ng lokal na pamahalaan sa nalalapit na halalan ang pagpapasara ng naturang establisimyento kung saan nag-oopisina ang kinatawan ng Montalban sa Kamara.
Katwiran ni BPLO chief Jeso Amo Mallari, walang permit mula sa lokal na pamahalaan ang pinasarang establisyemento – at yun din naman ang nakasaad sa billboard na ipinaskil ng BPLO sa labas ng gusali.
“This establishment is ordered closed for operating without the required mayor’s permit for commercial space leasing.”
Ang nakapagtataka, matagal nang nag-ooperate ang R&R pero ngayon nga lang ba talaga napag-alaman na walang permit sa lokal na pamahalaan ang naturang gusali? Bakit ngayon lang? Dahil dun sa ikalawang palapag ng R&R Building nag-oopisina ang katunggali ng kaalyado.
Wag na tayo mag paligoy-ligoy. Hindi naman talaga R&R ang target sa likod ng operasyon, kundi si Montalban Rep. Fidel Nograles na nasa ikalawang palapag ng pinasarang gusali.
Rewind tayo. Dating sanggang-dikit ng mga Ynares si Nograles. Pero dahil ayaw maging sunud-sunuran ni Nograles sa pinakamakapangyarihang pamilya sa Rizal – hayun, gumawa ng maneobra. Ang dating magkatunggali na sina incumbent Montalban Mayor Ronnie Evangelista at former Mayor Tom Hernandez, pinagkasundo ni lolo Ito.
Pebrero 28 nang literal na akyatin ng BPLO (sa pangunguna nina Mallari, mga pulis-Montalban at tatlong iba pang kinilala lang sa pangalang Ralph Lauren Reyes, Girlie Calar, Giovanni Perez) ang ikalawang palapag ng gusali kung may opisina si congressman.
Ang totoo, hindi na bago ang panggigipit ng lokal na pamahalaan kay Nograles na una nang pinagbawalan gumamit ng mga pasilidad ng pinagawa ng kapitolyo. Ang masaklap, hindi lang naman si Nograles ang apektado sa panggigipit.
Ang higit na pinagkaitan ay ang mga benepisyaryo ng tulong na hatid ni Nograles sa mga maralita, mga senior citizens, solo parents, mga pasyente, mga mag-aaral na nagbabakasakali makakuha ng konting ayudang pandagdag sa matrikula.
Makakatapat ni Nograles sa nalalapit na halalan si Hernandez na higit na kilalang malapit sa mga Ynares.
Dito kitang-kita ang maitim at mabahong politika.
Hindi ko personal na kilala si Nograles. Pero sa aking punto de vista, maraming siyang nagawa para sa Montalban — ang kauna-unahang regional specialty hospital, trabaho, edukasyon, kalusugan at iba pa.
Napapanahon nang wakasan ang barka-barkadang politika. Napapanahon na rin marahil tiyakin ng Commission on Elections (Comelec) ang isang maayos na halalan sa bayan ng Montalban pagsapit ng Mayo.
Dapat rin siguro ipaalala ni Gen. Marbil sa lokal na pulisya ang panuntunan na mahigpit na nagbabawal sa PNP makisawsaw sa politika.