TARGET ng mga residente mula sa bayan ng Caoayan, Ilocos Sur sampahan ng kaso si former Ilocos Sur Governor Chavit Singson.
Ang dahilan — pagkawasak ng kalikasan bunsod ng aktibidad ng mining company na pinaniniwalaang pag-aari ng kontrobersyal na politiko.
Partikular na tinukoy ng mga residente ang dredging operations ng Isla Verde Mining Corporation sa Barangay Poro, na saklaw ang bahagi ng Caoayan at karatig-bayan na Santa.
Anila, taong 2024 nang simulan ang Abra River dredging na ikinubli bilang “flood control project.”
Giit ng mga residente, binabyahe umano sa Maynila ang mga buhangin na kinakayod sa ilog para itambak sa reclamation project sa Manila Bay.
Ayon kay Atty. Estelita Cordero na tumatayong abogado ng mga apektadong residente, hindi na simpleng dredging ang ginagawa kundi isa umanong black sand mining na nakaapekto sa turismo at kabuhayan ng mga Ilokano.
Bukod sa dagok sa turismo at kabuhayan, isinisi naman ng grupong Pamalakaya sa black sand mining ang anila’y pinsalang idinulot sa sektor ng pangingisda.
Anila, si Singson daw ang pasimuno ng umano’y black sand mining sa lugar.
“We’re inclined to file a plunder or a graft and corruption case against these local executives who have allowed the dredging and black sand mining in the affected areas,” ani Atty. Cordero.
