HINDI na bago sa Department of Health (DOH) ang sinasabing peligrong kalakip ng tinaguriang Nipah virus, kasabay ng giit sa kakayahan at karanasan ng kagawaran laban sa banta ng naturang karamdaman.
Sa isang pahayag, inamin ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na taong 2014 pa nang matuklasan ng kagawaran ang banta ng Nipah virus.
Katunayan aniya, may 17 kaso na ang naitala ng departamento sa Sultan Kudarat kung saan naispatan ang nabanggit na karamdaman.
“The symptoms were flu, but some also had swelling of the brain (encephalitis) and meningitis. These were acquired by eating horse meat and being in contact with a sick person,” wika ng opisyal.
Matapos tugunan ang karamdaman noong 2014, hindi na umano nabalitaan ang Nipah virus sa bansa, kasabay ng garantiya na bantay-sarado sa DOH Epidemiology Bureau ang nasabing sakit.
“The Department of Health (DOH) is ready for the Nipah virus and other diseases. In fact, this is not new to us,” ani Domingo.
Sa datos ng World Health Organization, lima na ang kumpirmadong kaso ng Nipah virus sa West Bengal, India. Higit naman sa 100 nakasalamuha ng mga pasyente ang nasa kustodiya ng Indian government para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
