POSIBLENG maharap sa malaking eskandalo ang isang sikat na kumpanya sa likod ng umano’y kontaminadong infant formula para sa mga sanggol.
Ito ay matapos kumpirmahin ng Food and Drug Administration (FDA) ang paghahain ng reklamo ng 25 nanay ng mga sanggol na nalagay sa peligrong iniuugnay na gatas na gawa ng Nestle Philippines.
Bago pa man lumabas ang pagsasampa ng reklamo, naglabas ng anunsyo ang Nestle Philippines para sa “voluntary recall” ng ilang batch ng infant formula sa merkado.
Ayon sa FDA, 18 sa mga ulat ang may kinalaman sa kalusugan ng mga sanggol matapos i-konsumo ang kontaminadong produkto.
Batay sa mga isinumiteng reklamo, isinugod sa pagamutan ang mga paslit na nakaranas ng pagsusuka, pagtatae, pananakit ng tiyan, at iba pang sintomas.
“All reports received by the FDA are subject to review to determine the appropriate regulatory actions,” anang FDA.
“Each report is evaluated, and—when necessary—the FDA coordinates with relevant agencies and offices to ensure proper handling, verification, and resolution of the reported concerns,” dagdag ng ahensya.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa Nestlé Philippines na itinuturong responsable sa masaklap na kalagayan ng mga bata.
Kabilang sa mga ni-recall ng Nestle Philippines ang Nan Optipro, at Nankid Optipro.
Pinayuhan din ng FDA ang mga magulang at tagapag-alaga na maiging bantayan ang kalusugan ng mga anak at agad kumonsulta sa doktor sakaling makitaan ng alinman sa mga nabanggit na sintomas. (LILY REYES)
