
BAWAL muna ang pagkain ng tahong, tulya at halaan mula sa anim na baybayin matapos ang pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Batay sa pag-aaral ng BFAR, lumalabas na kontaminado ng nakamamatay na red tide ang Dumanquillas Bay, baybayin ng Daram Island, Irong-Irong Bay, Matarinao Bay, ang karagatan sa Tungawan ng Zamboanga Sibugay Province at ang coastal water sa Biliran Island.
Nilinaw naman ng ahensya na ligtas pa kainin ang mga isda, pusit, hipon at alimango mula sa mga nasabing baybayin. Gayunpaman, hinikayat ng BFAR ang publiko na tiyakin na nalinis nang husto ang mga naturang lamang-dagat bago lutuin.
Nanawagan din ang BFAR sa mga lokal na pamahalaan na malapit sa mga baybayin na pansamantalang pigilan ang pagpasok ng mga shellfish products sa nasasakupan para sa kaligtasan ng mga mamamayan.