SA nakalipas na isang linggo, kanya-kanyang diskarte ang mga residente ng Palar Village sa lungsod ng Taguig matapos tuluyang putulan ng supply ng Manila Water Company Inc. ang buong komunidad.
Ang dahilan – bigo ang Inner Port Neighborhood Association na bayaran ang tumataginting na P5-milyong pagkakautang sa Manila Water mula Disyembre 2023 hanggang Abril ng kasalukuyang taon.
Ayon sa mga residente, nag-ugat ang problema dahil sa hidwaan ng mag-inang nangangasiwa sa pangongolekta ng bayad na katumbas ng konsumo ng mga establisimyento at kabahayan.
“Pahirapan sa pag-igib… karaniwan sa amin inaabot ng madaling araw para lang may magamit na tubig sa maghapon,” kwento ni TeeJay na residente Palar Village sa nakalipas na dalawang dekada.
“Grabe pa naman ang init ngayon,” aniya pa.
Ayon kay Kagawad Jobert Quiambao ng Barangay Southside na may sakop sa Palar Village, Abril 30 pa nagdurusa ang mga residente bunsod ng di pagkakaunawaan ng mag-inang Rowena Dalire at anak na Caloy Dalire.
Hindi naman malinaw kung saan napunta ang perang nakolekta ng mag-inang Dalire mula sa mga residente.
