SA hangaring bawasan ang antas ng polusyon dulot ng usok ng mga sasakyan, pinagtibay ng Manila City Council ang isang ordinansang nagbabawal sa lahat ng uri ng de-makinang sasakyan sa north at southbound lanes ng Roxas Boulevard tuwing araw ng Linggo.
Sa ilalim ng ordinansa, sarado mula alas 5:00 ng hanggang alas 9:00 ng umaga ang magkabilang lane ng Roxas Boulevard mula sa bahagi ng Padre Burgos hanggang panulukan ng Quirino Avenue.
Ayon kay Konsehal Philip Lacuna na may-akda ng ordinansa, malaking bentahe sa kalusugan at kapaligiran ang panandaliang pag-iwas sa paglanghap ng nakamamatay na polusyon sa isang bahagi man lang ng lungsod.
“The ordinance was practically patterned after the “car-free or carless days” in certain metropolitan cities such as Paris, New York, Vancouver etc. It was also tried in nearby cities such as Makati and Pasig,” saad sa isang bahagi ng ordinansa.
Taon-taon ipinagdiriwang ang World Car-Free Day kung saan hinihikayat ang lahat na gumamit ng ibang paraan ng pagbiyahe sa isang buong maghapon. Kabilang sa mga alternatibo ang paglalakad at paggamit ng bisikleta.
