HINDI na nga halos makapaglayag para mamalakaya, binabarat pa ng mga ganid na traders ang farmgate price ng halubaybay (sardinella albella) na huli ng mga lokal na mangingisdang kailangan pang maglayag sa malayong karagatan.
Daing ng militanteng grupo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), bumagsak na lang sa halagang P50 per kilo ang farmgate price ng isdang halubaybay sa P120 dahil sa oil spill sa Manila Bay.
Anila, lubha na rin mahirap mangisda dahil sa pagtagas ng langis mula sa lumubog na MT Terra Nova noong Hulyo 25.
Partikular na tinukoy ng Pamalakaya ang mga tinaguriang “komersyante” (middleman) na nakabase sa Bataan, na di umano’y nambabarat kahit malayo sa apektado ng oil spill ng lumubog na MT Terra Nova pa nagmula ang kanilang huling isda..
“Kahit hindi direktang kontaminado at malayo naman sa tumatagas na barko ang pinanggalingan ng mga huli naming isda, labis-labis kami kung baratin ng mga komersyante kaya higit ang pagbagsak ng aming kinikita,” wika ni Pamalakaya vice chairperson Ronnel Arambulo.
Panawagan ng Pamalakaya sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – sila na mismo ang bumili ng mga huli ng mga mangingisda sa makatarungang presyo tulad ng ginagawa ng pamahalaan sa bigas para mabawasan ang mga middlemen na nanggigipit sa farmgate price at tumitiba ng malaki sa retail.
“Dapat magkaroon ng konkretong interbensyon ang mga kinauukulan ahensya tulad ng Department of Agriculture at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para tiyaking hindi binabarat ng mga trader ang produkto ng mangingisda,” aniya pa.
Nanawagan din ang grupo sa pamahalaan na bigyan ng ayuda ang 9,000 mangingisda sa Bataan na apektado ng oil spill, lalo na ang mga nasa bayan ng Limay.
Humirit ang grupo ng P15,000 buwanang ayuda para mabawi ang nalugi sa kanila dahil sa mga kalamidad.
