ARESTADO sa mga operatiba ng Southern Police District )SPD) ang dalawang Vietnamese nationals na nahuling rumaraket bilang espesyalista sa “aesthetic procedures” tulad ng botox injection at dermal filler.
Kinilala ni SPD acting director Brig. Gen. Randy Arceo ang dalawang arestadong banyaga sa pangalang Van at Thi. Inaresto ang mga suspek sa isang klinika sa kahabaan ng Kalye Salamangca, Barangay Poblacion sa Makati City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na kapwa walang lisensya mula sa Professional Regulation Commission ang mga banyagang suspek.
Narekober sa naturang operasyon ang mga botulax at botox vials, medikal na kagamitan, resibo, pera, at ID ng mga suspek.
Kasalukuyan nakakulong sa District Special Operations Unit (DSOU) holding facility ang dalawang Vietnamese habang hinahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 2382 na mas kilala sa tawag na The Medical Act of 1959. (LILY REYES)
