MAY milagro nga bang nagaganap sa likod ng paghahain ng kaso kaugnay ng pagdukot at pagpatay sa mga missing sabungero mula taong 2021 hanggang 2022?
Sa isang panayam, nagpahayag ng agam-agam si Atty. Bernard Vitriolo sa pag-usad ng kaso dahil sa aniya’y “nawawalang” sinumpaang salaysay ng 10 testigo laban sa whistleblower na si Julie Dondon Patidongan alyas “Totoy” kaugnay sa kontrobersyal kaso ng mga “missing sabungero”.
Si Vitriolo ang tumatayong abogado ni Police Staff Master Sergeant Joey Encarnacion.
Ayon sa abogado, hindi bahagi ang salaysay ng 10 testigo sa mga dokumentong isinumite ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Department of Justice (DOJ).
“Meron po kaming hinahanap na more than 10 affidavits ng mga associates or tao ni whistleblower Dondon Patidongan. At ito ay hinahanap natin na affidavits para ito ay i-submit sana sa evaluating team ng DOJ para maging kumpleto po ang kanilang imbestigasyon at para maging parehas at karapat-dapat” wika ni Vitriolo.
Porma na rin umano niyang hiniling kay CIDG chief Brig. Gen. Christopher Abrahano ang sipi ng mga testimonya ng mga saksing nagdidiin sa magkakapatid na Patidongan bilang “utak” sa pagdukot at pagpatay sa mga biktima.
“Sumulat po ako noong August 5, 2025 nagre-request po ako kay Gen. Abrahano na mabigyan ako ng kopya ng mga affidavits ng more than 10 complainants na nagpapatunay na ang may kagagawan o may utak ng missing sabungeros ay ang magkakapatid na Patidongan,” dagdag ni Vitriolo.
Aniya, lubos na nakapagtataka kung bakit hindi isinama ng CIDG ang 10 salaysay na umano’y bahagi ng case folder na hawak ng naturang sangay ng pambansang pulisya.
Sa direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG), inatasan ang CIDG na isumite sa DOJ ang lahat ng mga dokumentong may kinalaman sa kaso ng mga missing sabungero.
“We must remember that clearly sinasabi doon sa Department Circular No. 20 na pagka nagsampa ka ng kaso o ng complaint e-evaluate muna ito ng evaluating team para magkaroon ng determination kung meron itong prima facie case or prima facie evidence at meron reasonable certainty o conviction.”
Kinastigo rin ni Vitriolo ang DOJ at maging ang National Police Commission na aniya’y “atat” hatulan ang mga pulis na idinawit ni Patidongan — “Sa nangyayari po ngayon nagpre-prejudge na po ang DOJ at NAPOLCOM, ang sabi nila may ebidensya eh hindi pa nga nagsisimula ang kaso. Wala pa pong sinasampang kaso, nasa evaluation stage palang tayo, eh ganun na po ang unfair and biased pronouncement ng DOJ.”
Panawagan ni Vitriolo kay PNP chief Gen. Nicolas Torre III, atasan ang CIDG ilutang ang affidavit ng 10 testigo para lumitaw ang katotohanan sa kaso ng “missing sabungero” — o mapagtanto kung may tinatawag na prima facie evidence bago isampa ang kaso.
Una nang pinatupad ng Napolcom ang 90-day preventive suspension laban sa mga pulis na inginuso ni Patidongan.
Kabilang sa mga sinuspinde ang iba pang mataas na opisyal tulad umano nina P/Lt. Col. Ryan Jay Eliab Orapa, P/Maj. Mark Philip Simborio Almedilla at P/Col. Jacinto Rodriguez Malinao Jr. (EDWIN MORENO)
