SA dinami-dami ng kokotongan, natapat pa sa isang food delivery rider na may kapansanan!
Ito marahil ang napagtanto ng dalawang pulis na nakatalaga sa Drug Enforcement Unit ng Talipapa Police Station 3 ng Quezon City Police District (QCPD) matapos positibong kilalanin ng biktimang food delivery rider na si Piolo Alonzo.
Ayon kay QCPD acting director Col. Randy Glenn Silvio, hindi lang simpleng pangingikil ang kanyang lubos na ikinagalit matapos mapanood ang viral video ng aktwal na krimen.
Aniya, malinaw na sinamantala ng dalawang pulis ang kapansanan ng biktimang patungo sana sa palengke para bumili ng gamot.
Sa gigil ni Silvio, agad na sinibak ang dalawang hindi pinangalanang kabaro na umano’y pwersahang kinuha ang P3,000 bitbit ng isang person with disability (PWD). Bukod sa pagsibak, nakatakda rin umanong sampahan ng kasong robbery-extortion ang dalawang kotong cops
Kwento ng biktima, hinarang siya ng mga pulis na nagkunwaring may checkpoint. Matapos iparada ng biktima ang kanyang motor, dinala umano siya ng isang “malaking pulis” sa madilim na lugar saka kinapkapan at pilit na hinahanapan ng shabu.
Nang sabihin ng biktima na wala siyang itinatagong shabu, hinaluhog umano ng mga pulis ang bag na naglalaman ng kanyang P3,000 na kinita sa delivery.
“Di ko na alam gagawin ko, pagdating ko sa Muñoz tuliro na ako tapos pagsilip ko sa bag ko natira nalang P100 na buo at puro barya nalang po. Sana matulungan nyo po ako natatakot po ako na baka maulit at taniman na nila ako ng drugs isa po akong PWD na naghahanap buhay ng maayos,”
“As of today, the involved personnel will be referred to the Prosecutors Office and reassigned to the District Personnel Holding and Accounting Section (DPHAS) for verification to determine any possible involvement related to the complaint,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng QCPD. (LILY REYES)
