SA loob lang ng limang minuto, nagawa ng Quezon City Police District (QCPD) tumugon sa tawag ng saklolo. Ang resulta — timbog ang tatlong dorobo.
Ayon kay QCPD acting director Col. Randy Glenn Silvio, isang tawag ang natanggap ng Novaliches Police Station dakong alas 3:40 ng madaling araw kaugnay ng isinasagawang pagnanakaw ng kable sa Barangay Sta. Monica sa Quezon City.
Hindi alintana ang mabigat na buhos ng ulan, at mga baha sa kalsadang dadaanan, tinungo ng mga pulis Novaliches sa pamumuno ni Lt. Col. Aljun Belista ang Cresta Verde Subdivision.
Pagdating sa Mindanao Extension Gate ng nasabing subdivision, tumambad ang mga suspek habang isinasakay sa puting closed van ang mga pinutol na kable ng PLDT Inc. Foam Skin Filled (FSF).
Kinilala ang mga suspek sa alyas Carlos at Arturo na kapwa residente ng Valenzuela City at isang at alyas Dino mula sa lungsod ng Caloocan.
Narekober mula sa mga suspek ang 20 piraso ng PLDT Inc. Foam Skin Filled (FSF) underground copper cable wires na nagkakahalaga ng P400,000, isang martilyo, isang bolt cutter, at isang puting closed van na may plate number na NHW 1134.
Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act 10515, o ang Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013, sa QC Prosecutor’s Office. (LILY REYES)
