SA gitna ng mabigat at patuloy na buhos ng ulan, tuluyan nang umapaw ang tubig na nakaimbak sa La Mesa Dam, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Biyernes ng hapon.
Ayon sa Pagasa Hydrometeorology Division, bandang alas 3:00 ng hapon nang umabot na sa spilling level na 80.16 meters ang La Mesa Dam.
Ito rin anila ang hudyat na apaw na ang imbakan. Ang sobrang tubig, ayon sa Pagasa, ay dadaloy sa direksyon ng Tullahan River at daraan sa ilang flood prone areas sa Metro Manila
Ayon kay Rosalie Pagulayan, senior weather specialist ng Pagasa, kabilang sa mga posibleng maapektuhan ang Fairview, Forest Hills Subdivision, Quirino Highway, Sta. Quiteria, at San Bartolome sa Quezon City; ilang bahagi ng Valenzuela City, partikular ang North Expressway at La Huerta Subdivision; at bahagi ng Malabon.
Pinaghahanda ng Pagasa ang mga residente sa mga nabanggit na lugar lalo na ang mga nakatira malapit sa ilog na maging alerto sa posibleng pagbaha. (LILY REYES)
