
APAT na empleyado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang arestado matapos ikanta ng mga fixer sa likod ng pekeng NBI clearance.
Sa kalatas ng NBI, bistado ang sabwatan sa hanay ng mga empleyado ng Information and Communication Technology Division ng naturang ahensya.
Batay sa imbestigasyon, lumalabas na naniningil ng P2,000 ang mga hindi pinangalanang suspek sa bawat pekeng clearance na iniisyu sa mga fixer.
Sinampahan na ng kasong direct bribery sa ilalim ng Article 210 ng Revised Penal Code (RPC); paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at Cybercrime Prevention Act of 2012 ang mga suspek..
Una nang dinakip ang pitong fixer sa labas ng NBI Clearance Center sa Maynila.
Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa sabwatan ng mga empleyado ng NBI sa mga fixer para mapabilis ang pag-iisyu ng mga pekeng NBI clearance.