
SA gitna ng walang humpay na operasyon ng pamahalaan laban sa sistematikong panggagantso gamit ang makabagong teknolohiya, kalaboso ang ending ng walong Chinese nationals na huli sa online phishing sa Parañaque City.
Sa kalatas ng National Bureau of Investigation (NBI), kinilala ang mga suspek sa pangalang Xiao Li, Chuan Zi Gao, Ming Ru Li, Wen Shu Liu, Qui Shun Li, Cai Li Pan, Changfu Liu, at Zhang Zhen Hong, na pawang Chinese nationals.
Patuloy naman ang pagtugis ng mga operatiba sa isang Hwang Xiaobin, na kasamang sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act) at RA 12010 (Anti Financial Account Scamming Act).
Sa bisa ng search warrant na inilabas ng Parañaque Regional Trial Court, ang establisyementong tinukoy ng impormanteng nagnguso sa operasyon ng grupong sangkot sa investment fraud, crypto asset/currency scam, romance scam, identity theft sa pamamagitan ng social engineering scheme at digital communication schemes.
Kumpiskado sa pagsalakay ang laptops, desktop computers at iba pang digital gadgets na ginagamit umano sa panggagantso.
Sa pagsusuri ng NBI Digital Forensic Laboratory, narekober ang transcript template ng Phishing at social engineering schemers na ginagamit ng grupo sa pagnanakaw ng sensitive information ng ibang tao. Natukoy din ang mga financial transactions ng cryptocurrency scams.