
SOLON SA TRASLACION. Kabilang sa mga taunang namamanata sa Itim na Nazareno si Nueva Ecija 4th District Rep. Emerson Pascual kasama ang iba pang deboto.
HINDI madali para sa gobyerno ang pagpapanatili ng kaayusan sa taunang pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila.
Kaya naman lubos na nagpasalamat si House Speaker Martin Romualdez sa sabayang tugon ng lokal na pamahalaan, hanay ng pulisya at iba pang nagtulong-tulong tiyakin ang maayos na kapistahang dinaluhan ng hindi bababa sa walong milyong deboto.
Sa isang kalatas, partikular na nagbigay-pugay si Romualdez sa hanay ng mga deboto ng Poong Jesus Nazareno kasunod ng deklarasyon ng simbahan at pulisya sa anila’yh pangkalahatang mapayapa at mas maayos ang taunang Traslacion.
Ginaganap ang Traslacion tuwing Enero 9.
“Ang Pista ng Jesus Nazareno ay simbolo ng malalim na pananampalataya ng bawat Pilipino. Nawa’y maging ligtas, maayos at puno ng pagkakaisa ang selebrasyon taun-taon,” wika ni Romualdez.
Ayon kay Romualdez, hindi matatawaran ang debosyon ng mga Pilipino sa Hesus Nazareno na patuloy na nagbibigay ng pag-asa at pagkakaisa sa mga tagapanalig. Ang Pista ay paggunita sa paglilipat ng makasaysayang imahen ni Hesukristo patungo sa dambana sa Quiapo.
Para sa lider ng Kamara, ang pagdiriwang ay higit pa sa isang relihiyosong ritwal, kasabay ng giit na ang taunang panata ay isang makapangyarihang simbolo ng pananampalataya at pagkakaisa.
“Ang taunang Traslacion ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng pananalig at pagkakaisa bilang isang sambayanan. Ang debosyon na ito ay sumasalamin sa tibay at tapang ng ating pananampalataya,” aniya.
Kinilala rin ng mambabatas ang mga sakripisyo ng bawat deboto, kung saan marami ang naglalaan ng buong taon ng paghahanda para sa okasyong ito, bilang pagpapakita ng pasasalamat at pag-asa.
“The perseverance and dedication of our devotees remind us of the power of faith in overcoming life’s challenges,” saad pa niya.
Ang taunang prusisyon ng Poong Hesus Nazareno, ay isa sa itinuturing na pinakamalaking pagtitipon sa buong mundo.
“Panatilihin po natin ang kaayusan sa ating pagdiriwang. Ang ating pananampalataya ay dapat magdala ng pagkakaisa at kalinisan.”
“Saludo po ako sa mga opisyal ng simbahan at pamahalaan na walang sawang nag-aasikaso upang maging matagumpay at ligtas ang Pista ng ating Jesus Nazareno,” saad pa ng kongresista.
“Nawa’y patuloy tayong gabayan ng Jesus Nazareno sa ating mga adhikain at pangarap bilang isang bansa,” wika pa ni Romualdez. (Romeo Allan Butuyan II)