
SA kabila ng mahigpit na panuntunan sa ilalim ng Omnibus Election Code, marami pa rin ang kandidato ang hindi sumusunod, ayon sa isang konsehal na sasagupa laban kay Senador Cynthia Villar para sa posisyon ng kongresista sa lungsod ng Maynila.
Hirit ni Las Piñas Councilor Mark Anthony Santos sa Commission on Elections (Comelec), buhayin ang kampanyang “Kontra-Bigay” kasabay ng panawagan sampolan ang mga kandidatong pa-simpleng namimili ng boto para sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Una nang kinastigo ni Santos ang umano’y laganap na vote-buying ng mag-inang politiko sa lungsod ng Las Pinas.
Bukod sa vote-buying, lubha rin aniyang nakababahala ang pagsakay ng naturang pamilya sa paggamit ng pamamahagi ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at iba pang tulong pinansyal ng gobyerno.
Panawagan ng konsehal kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian – ipagpaliban muna ang AKAP hanggang sa matapos ang halalan para hindi magmukhang election fund ng mga pambato ng administrasyon.
“Kung totoo na ang AKAP ay isang election fund, unfair ito sa mga independent o opposition candidates sa midterm election,” wika ni Santos.
Kamakailan lang, nagpasaring si retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa AKAP cash assistance na kanyang inihalintulad sa kontrobersyal na pork barrel.