
Ni LILY REYES
LAPNOS sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng apat na katao matapos sumiklab ang sunog sa isang hilera ng food stalls sa Regalado, Novaliches, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Quezon City – Bureau of Fire Protection (BFP), nasa 20 establisyemento ang natupok sa sunog na naganap dakong ala-1:57 ng madaling araw.
Batay sa kwento ng mga nangungupahan sa Neo Food park, ginulantang ng malakas na pagsabog ng LPG ang commercial strip bago pa man tuluyang kumalat ang apoy sa mga katabing establisyemento kabilang ang mga kainan, sari-sari store at pwesto ng lechon manok.
Agad naman dinala sa Commonwealth Medical Center ang apat na biktimang nagtamo ng mga paso sa katawan.
Dakong alas 2:30 ng madaling araw nang ideklarang fire out ng BFP ang insidente ng sunog na umabot sa ikalawang alarma.