ARESTADO sa mga kabaro ang isang pulis na inireklamo ng kinakasama dahil sa kawalan ng sustento sa bunga ng kanilang pagmamahalan.
Hindi na nagawang pumalag ni PO1 Henry Narciso Bais matapos dakpin ng mga miyembro ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) sa bayan ng Capas sa lalawigan ng Tarlac.
Ayon kay IMEG Director Brig. Gen. Warren de Leon, dakong alas 10:30 kahapon nang dakmain si Bais sa bisa ng mandamiento de arresto na inilabas ng Capas Regional Trial Court kaugnay ng kasong paglabag sa Section 5A ng Republic Act 9262 na mas kilala sa tawag na Violence Against Women and Childrens Act of 2004.
Kasalukuyang nakapiit ang pulis sa Capas Municipal Police Station habang hinihintay ang commitment order ng husgado.
Paalala naman ni de Leon sa mga pulis, maging responsable sa asawa at huwaran sa anak, kasabay ng giit na di dapat tinatalikuran ang responsibilidad sa ipinunlang pamilya.
