BISTADO sa lokal na pamahalaan ng Quezon City ang bagong modus ng mga magnanakaw na nambibiktima ng mga senior citizens sa lungsod. Ang modus ng mga suspek, naghahatid ng cake na regalo mula sa pamahalaang lungsod.
Sa isang kalatas, nilinaw ng lokal na pamahalaan na hindi namamahagi ng birthday cake sa mga senior citizen ang Quezon City government, kasunod ng napaulat na panloloob sa bahay ng isang lola ng mga indibidwal na nagpakilalang empleyado ng lungsod.
Pag-amin ng lokal na pamahalaan, nagpapadala ng regalo ang pamahalaang lungsod sa mga senior citizens sa tuwing may nagdiriwang ng kaarawan, subalit hindi anila cake ang kanilang pinapadala kundi mga grocery bags na naglalaman ng ng gatas, pasta at sauce bundle, biskwit, at iba pang mahahalagang gamit para sa kalusugan ng mga nakatatanda.
Ibinibigay umano ang mga regalo kada buwan sa pamamagitan ng mga barangay batay sa opisyal na listahan ng mga senior citizen ID holders, at inaabisuhan ang mga benepisyaryo tungkol sa iskedyul ng pamamahagi.
Para naman sa mga bed-ridden o hirap makalabas, dinadala mismo sa kanilang mga tahanan ang mga regalong handog sa senior citizen na nagdiwang ng kaarawan.
Panawagan ng QC government sa mga senior citizens, huwag basta-basta magpapasok ng mga hindi kilalang tao — tiyakin muna ang pagkakakilanlan ng estranghero.
“Sa ating mga minamahal na QCitizen na lolo at lola, patuloy po kayong mag-ingat. May mga indibidwal na maaaring manamantala sa inyong kalagayan. Sa mga kaanak, hinihiling namin ang inyong pakikiisa sa patuloy na pagpapaalala sa ating mga nakatatanda tungkol sa kanilang kaligtasan.”
