PUMALO sa 1,096 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal ang inaresto sa magkakahiwalay na operasyon sa pinaigting na implementasyon ng mga ordinansa sa lungsod ng Maynila.
Sa loob ng 24 oras, umabot sa 540 katao ang nahuli sa akto ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
Nasa 143 menor-de-edad naman ang nakuha ng pulisya dahil sa paglabag sa curfew. Gayunpaman, agad din ibinalik sa kustodiya ng mga magulang ang inarestong kabataan matapos sumailalim sa “verification and profiling.”
Nasa 118 naman ang inabutan sa kalye na walang suot na damit pang-itaas kung kaya’t lahat sila ay natiketan dahil sa paglabag sa ordinansa.
Umabot sa 64 indibidwal din ang binitbit ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) matapos lumabag sa batas-trapiko. Sa naturang bilang pinakamarami ang mga nagmamaneho ng motorsiklo.
Hindi na rin nakalusot sa pinaigting na implementasyon ng mga ordinansa sa Maynila ang 24 kataong inabutan sa lansangan habang nag-iinuman.
