Ni Lily Reyes
BINAWIAN na nang buhay ang isa sa pitong naireport na nasugatan makaraang araruhin ng SUV ang isang kilalang bangko sa Quezon City nitong Huwebes ng hapon.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 2, binawian ng buhay ang kilyente ng bangko na si Rosali Dela Cruz, sa Commonwealth Hospital bandang 12:00 ng hatinggabi.
Habang ang mga biktimang sina Dorothy Castillo, bank employee at Maria Papio, kliyente ay patuloy pang inoobserbahan sa Capitol at Commonwealth hospital.
Samantala, nakalabas na sa ospital sina Liza Janap, kliyente, Jessica Susano, Hermie Ocampo, kapwa bank employee at ang sercurity guard na si Edilberto Lazares.
Nilinaw ng Traffic Sector 2, na hindi Montero kundi Toyota Fortuner wagon (AWA-2536) na minamaneho ni Edwin Balisong, 57, ang umararo sa bangko sa Quirino Highway sa Brgy. Pasong Putik, Quezon City, nitong Huwebes (December 28), bandang 5:30 ng hapon.
Dahil sa mabilis na pangyayari ay hindi na nakaiwas pa ang security guard, at anim pang biktima na nasa loob ng bangko dahilan upang maipit at mabangga ng SUV.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon, na umaatras umano si Balsong nang aksidenteng mabangga ng likurang bahagi ng kanyang Toyota Fortuner ang harapang bahagi nang nakaparadang Mitsubishi Adventure, na pag-aari ni Demetrio Carbonell.
Dahil dito ay biglang natapakan ni Balisong ang accelerator sa halip na brake kaya nagtuloy-tuloy itong umanndar at dumiretso hanggang sa loob ng bangko. Inihahanda na ang kaso laban sa driver ng Toyota Fortuner.