TULAD ng inaasahan, hindi sumipot si Davao City acting Mayor Baste Duterte sa pinananabikang boxing match sa Rizal Memorial Coliseum sa Maynila laban kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III.
Hindi man naganap ang umbagan, nakalikmom naman ng hindi bababa sa P20 milyon ang dapat sana’t mainit pa sagupaan sa pagitan ng dalawang bigating personalidad.
Sa pagtataya ni Torre, nasa P4 milyon ang nalikom sa mula sa ticket (nagkakahalaga ng 100 hanggang P5,000 kada ulo) na binili ng mga nais makasaksi ng charity showdown.
Kasama rin aniya sa nalikom sa naturang charity boxing match ang isang toneladang bigas at dalawang trak ng delatang agad na ipinamahagi sa mga residente ng Baseco Compound na lubhang nasalanta ng mga nagdaang kalamidad na dulot ng bagyong Crising, Dante at Emong.
Samantala, nilinaw ni Duterte na hindi siya kailanman umaatras sa laban, kasabay ng hirit na idaos sa Martes, Hulyo 29 ang laban.
Ayon sa anak ni former President Rodrigo Duterte, wala siyang planong pumasok sa pa-showbiz na galawan ni Torre. Kung seryoso umano ang heneral, pwede siya na mismo ang pupunta sa tahanan ni Torre.
“Gusto mo puntahan kita, walang camera suntukan tayo walang gloves. Bakit ba kailangan mo ng ano? [gloves]. Masyado ka mang ma-showbiz,” saad ni Duterte. (ITOH SON))
